Alas-otso ng gabi ng sumakay ako ng LRT sa Anonas station. Medyo nagmamadali akong makasakay dahil sa meron pa akong pupuntahang importanteng commitment sa Maynila. Ang baba ko na noon ay sa Recto station.
Ng dumating ang tren ay hindi naman punuan ito pero may mga nakatayo ng mga pasahero. As expected, tatayo na rin ako malamang baka hanggang Recto station na ito. Suwerte namang walang nakatayo sa tabi ng pintuan at doon ko napiling pumwesto.
Papalapit na ang tren sa Araneta Center Cubao ng magsitayuan ang tatlong nakaupo na katabi lamang ng aking kinatatayuan. Dahil may bakanteng upuan at wala namang nagbalak na umupo sa mga katapat kong nakatayo ay inakupa ko na ang isang bakante doon. Ang dalawa pang espasyong bakante ay kinuha na rin ng isang binatang ewan at ang kasama nitong isang batang babae.
Napagitnaan ako ng dalawang lalake. Dahil sa ugali kong hindi sumandal sa likuran ng upuan ay hindi ko napapansin ang aking mga katabi. Nakatingin lang ako sa mga taong nasa harapan ko at paminsan-minsan doon sa mga nakatayo. At kung hindi pa ako tumingin sa salamin ng tren sa harap ko ay hindi ko makita ang isang mala-anghel na nilalang.
Ang tinutukoy ko ay ang aking katabi sa kanan. Habang umaandar ang tren ay sinisipat ko siya sa salamin. Nakapikit siyang nakaliyad ang ulo sa sandalan. Ang puti ng kanyang kutis at ng sipatin ko ang kanyang braso na nakadikit sa akin ay makinis ito. Nakashorts siya na halos lagpas tuhod at mabalahibo ang kanyang mga binti. At ng magising siya, sa pamamagitan ng salamin, ay nakita kong isa siyang tsinito.
Namangha talaga ako sa aking nakita. Sobrang amo ng mukha niya. Sa pagmulat ng kanyang mga mata ay akala mo'y bagong gising sya. At kung ganon ang hitsura niya kapag bagong gising, lintik naman talaga sa gwapo.
Pilit kung isinasaulo ang lahat ng detalye ng kanyang mukha kahit sa pamamagitan ng salamin man lang. Tuwid lang akong nakaupo at diretso lang ang aking tingin na para pang tinitingnan ko ang nasa tapat namin. Pero ang talagang tinitingnan ko ay ang kanyang mukha. Ewan ko lang kung nakikita din niya ako sa salamin pero wala namang reaksyon akong nakikita sa mukha niya kung sakaling napapansin man niya ako. Nakakatuwa lang dahil sa salamin pa sa tapat namin ako nakatingin samantalang katabi ko siya mismo sa upuan at magkadikit pa ang aming braso at hita.
Sa pagsipat ko sa salamin ay hindi ko maiwasang humanga sa taglay niyang kagwapuhan. Maputi at makinis ang kanyang balat, matangos ang kanyang ilong, singkit at cute ang kanyang mga mata, medyo bilugan ang kanyang mukha pero litaw ang kanyang cheekbone, medyo kulay light brown ang kanyang buhok at bagong gupit ito na medyo manipis ang pagkatabas mula sa parte ng tenga papuntang batok, at higit sa lahat ay maamo at malinis tingnan ang kanyang mukha. Pilit kong masilayan ang kanyang braso at binti dahil sa nakashorts lang ito at talaga namang pantay ang kanyang makinis na kaputian. Ang kasabayan ko ngang binatang ewan na umupo ay panay ang pa-cute niya at panay ang galaw sa kanyang upuan. Pati na rin ang katapat naming lalake na nasa late 30's na siguro ay titig na titig sa kanya. Pero ang poging tsinito na katabi ko ay deadma lang.
Halatang antok pa rin siya at kahit na todo hikab siya na hindi tinatakpan ang bibig, gwapo pa rin siya. Siya ang tipong taong nagtataglay ng mukha na kahit anong gawin at kahit walang poise ay gwapo pa rin. At dahil todo titig nga ang katapat namin, kinuha na lang niya ang kanyang backpack bag at iniligay ito sa kanyang mga hita sabay patong ng kanyang mukha na nakatagilid sa aking direksyon sabay pikit ulit ng kanyang mga mata. Sa ginawa niyang iyon ay nagkaroon ako ng mabilisang pagtingin ng malapitan sa kanyang mukha at sobrang amo ng kanyang nahihimbing na mukha. Kahit siguro buong araw kong tititigan ang kanyang mukha ay hindi ko ito pagsawaan.
Pareho pala kaming bababa sa Recto station. Nauna siyang tumayo sa akin at tantya ko ay mga 5'8" ang kanyang tindig. Medyo malaman ang kanyang braso at malamang ay nagsisimula itong magbuhat. Medyo malaki ang kanyang pangangatawan subalit tamang-tama lang sa kanyang tindig. Ang ganda ng shorts niyang kupas na kulay blue na malambot na animo'y comforter at hapit pagdating sa baywang. Maiisip mo na lang na may itinatago siyang dakilang tambok sa dako roon.
Sa paglabas namin ng tren ay pilit ko siyang sinundan at halos ayaw kong mawaglit siya sa aking paningin. Ng pababa na kami ng hagnanan ay tumingin pa siya sa itaas na animo'y may hinahanap at talaga namang lutang na lutang ang gwapo niyang mukha at maputi niyang complexion. Nagkahiwalay ang aming landas ng diretso siyang pababa sa Recto samantalang dumiretso ako sa Doroteo Jose station.
Sa paghiwalay namin ng landas, tiyak mga ilang araw lang siya sa aking gunita at talaga namang nakakapanghinayang na hindi ko na ulit siya makita. Parang tinakam lang ako tapos mawawala din pala agad. Siya kasi ng tipo ng tao na kahit pintasan mo man, gwapo pa rin at madaling makabihag ng puso. Iyon nga lang at hanggang doon na lang matatapos ang bahaging iyon ng aking pagkastarstruck sa isang tao na hindi ko naman kilala. Haha. Pero mali pala ako.
Pagkatapos ng dalawang linggo ay tuluyan ng nawala siya sa alaala ko. Buti na lang at naisulat ko agad ang encounter ko sa kanya sa loob ng MRT at kahit papaano ay may kaunti pang natirang alaala ko sa kanya. Hindi ko akalain na pagkatapos ng dalawang linggo ay muling magkrus ang aming landas.
Dumalo ako sa kasal ng isang malapit na kamag-anak, si Marie. Bunso siya sa tatlong magkakapatid at medyo napaaga ang kanyang kasal sa kadahilanang maaga siya nabuntis. Dahil sa close ako sa kanila, particular na sa kanilang ina, ay hindi ako pwedeng tumanggi. Malayo pa lang ang schedule ng kasal ay inabisuhan na nila agad ako at bago dumating ang takdang araw ay palagi nila akong tinatawagan para paalalahanan.
Kahit papaano ay marunong akong gumamit ng kamera kaya't pagdating ng kasalan ay isa ako sa mga nakikigulo sa loob ng simbahan para kumuha ng litrato. Bago magsimula ang kasalan ay tinipon muna ang lahat ng kasali na lalakad papuntang altar at isa doon sa aking nakita ay isang pamilyar na mukha. Ng akin siyang tingnan mabuti, biglang nanumbalik ang alaala ko sa katabi ko sa MRT mga dalawang linggo na ang nakalipas. Abay pala siya sa kasal.
Todo ang ngiti ko habang kumukuha ako ng picture. Ni sa aking munting hinagap ay hindi ko inaasahan na muli kaming magkikita. Napag-alaman ko na katropa pala siya ni Jon, ang panganay nina Marie. Dahil sa matagal na silang magkakasama ay pumayag din siyang maging abay ni Marie.
Pagdating sa pagkuha ng pictures sa loob ng simbahan pagkatapos ng seremonyas ay nagkaroon ako ng pagkakataon na malapitan siya at kahit papaano ay magkaroon ng kaunting interaksyon. Palibhasa'y kuhaan ng litrato kaya't madalas ay todo ngiti sya at talaga namang lumalabas ang totoong niyang pagkagwapo. At sa mga taong dumalo sa kasal, hindi maiiwasang makarinig ako ng mga paghanga patungkol sa kanya.
Hanggang dumating sa reception, kahit papaano ay nakakapag-usap kami. Hindi man umabot sa punto na naging personal ang aming usapan, masaya na rin ako at nakausap ko sya. Ngayon ay hindi na lang isang anonymous na mukha ang aking kinakagiliwang tingnan. Bagkus ay meron itong pangalan at siya ay si Ken.
Kalog at palatawa din pala siya. Dahil dito ay medyo nakakasundo kami. Ang kulit ko sa buong seremonyas ng kasal hanggang sa pagkatapos ng reception ay hindi nakaligtas sa kanya. Kaya't pag may mga pagkakataong magpapakuha siya ng litrato na lumalabas ang totoong siya, ako ang nilalapitan niya para magpakuha ng picture. At natuwa naman ako.
Natapos ang seremonyas na baon ko ang mga litrato ni Ken. At least, kahit sa mga litrato niya ay hindi ko na siya makakalimutan. Masaya na rin ako at hindi na ako estranghero sa kanya. At kung magkita man kaming muli, pwedeng makapagkwentuhan na kami ng iba pang mga bagay.
Pagtapos ng halos tatlong buwan ay muling nagkrus ang landas namin ni Ken. Kaarawan ng kanyang inaanak, anak ni Jon. Bale ang bata ay apo ko sa pamangkin.
Gabi na ng dumating ako sa bahay ng celebrant dahil kagagaling ko lang ng trabaho at nag-iinuman na lang ang aking nadatnan. Kanya-kanyang umpukan ang magkakatropa. Parang apat na magkakaibang grupo ata sila. Iba ang tropa ng pamangkin ko, iba ang tropa ng erpats niya, iba ang tropa ng kapatid niyang si Joseph, at meron ding tropa na hindi ko naman kilala. Inanyayahan nila akong uminum pero umayaw ako sa kadahilanang hyper acidic ako at hindi ko kaya ang uminum ng beer. Gin bulag pwede pa ako ng ilang tagay pero hanggang doon lang talaga. Dahil sa kilala naman nila ako na hindi talaga umiinum ay pinaghanda na lang ako ni Jon ng makain. Buti na lang ay kahit papaano ay may natira pang ulam. Sa dami nilang umiinum ay pwedeng mapulutan ang natirang ulam.
Dahil sa linggo kinabukasan ay hindi na ako nagdahilan na umuwi pa. Nakigulo na lang ako sa bahay ng kamag-anak ko hanggang sa dumating ang sandali na inantok na ako. Sa tuwing andon ako sa kanila ay sa kwarto ako nina Jon natutulog dahil sa dalawa lang naman silang mag-ama ang natutulog doon. Hiwalay na kasi siya sa asawa at iniwan sa kanya ang anak nilang lalake, na siyang may kaarawan ngayon. Kampante na akong naidlip at patakas na ang aking ulirat ng magkaroon ng malakas na ingay at sigawan sa labas. Nagkakagulo ang mga tao sa labas ng bahay.
Pilit kong nilabanan ang antok at papungas-pungas pa akong lumabas ng kuwarto ng makasalubong ko si Jon karay-karay ang lango ng si Ken. Napagtripan daw si Ken ng tropa ng erpats niya at dahil sa makulit din si Ken (hindi ko lang alam kung mas doble ang kulit niya pag nalasing), na-badtrip ata ang isang kainuman ng erpats niya at muntik ng magkagulo. Buti na lang at naawat agad at madaling nasaway ang tropa ng erpats niya. Dahil sa may tama na rin si Ken ay minabuti ni Jon na ipasok na lang ito sa bahay para patulugin at para makaiwas na rin sa gulo. Si Ken, sa singkit niyang iyon ay lalong nawala ang kanyang mga mata dahil sa lasing na rin. Todo ngiti lang siya na para bang nang-aasar at panay ang tango niya sa mga taong nakakasalubong. At biglang kinabog ang dibdib ko ng sinabi ni Jon na itabi ko na raw sa pagtulog si Ken at huwag ng palabasin.
Tumulong ako sa pag-alalay sa kanya papuntang higaan. Ng matanto niyang kutson na ang inaapakan niya ay kusa itong nagpatumba para mahiga. Pumuwesto siyang nakatagilid kung saan nakatalikod siya sa pinto at paharap naman sa puwesto ko. Maya't maya pa'y hindi na siya halos gumagalaw.
Hindi muna ako humiga. Umupo lang ako sa bakanteng parte ng kutson na malapit sa dingding. Hindi ako makapaniwala na katabi ko si Ken sa higaan. Dati ay katabi ko lang siya sa MRT. Tapos nakasalamuha sa kasalan. Tapos ngayon pati sa higaan ay katabi ko na rin.
Hindi ko alam subalit biglang nawala ang antok ko. Hindi ko rin alam kung gaano katagal kong tinititigan ang mukha niya habang siya ay natutulog. Pero hanggang doon lang ako. Hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na hawakan ang kanyang maamong mukha o ang ibang parte ng kanyang katawan. Nakuntento na akong nagdiriwang sa isang napakapalad na gabing ito, isang gabing katabi ko sa higaan si Ken.
Ng muling sunod-sunod na ang aking paghikab ay pinatay ko na ang ilaw at pumuwesto na para matulog. Isa itong pambihirang pagkakataon na matutulog akong may ngiti sa mga labi. Hindi ko alam kung pati sa panaginip ay makakasama ko si Ken.
Wala na akong ulirat at nasa kasarapan na ako ng tulog ng bigla akong maalimpungatan. Naririnig ko si Ken na nagduduwal at bigla na lang umalingasaw ang isang nakakadiring amoy. Lahat ata ng kinain at nainum niya kanina ay naisuka niya ngayon. Ang baho ng amoy na maasim na ewan. At dahil sa kulob ang kwarto, pati sikmura ko ay muntik na rin umalagwa.
Dali-dali akong lumabas ng kuwarto at naghagilap ng basahan. Wala na ring nag-iinuman sa labas ng bahay at plakda na ang mga manginginum. Hindi ko mahanap kung saan na si Jon o si Joseph. Ang pinsan ko naman na tatay nila ay malamang tulog na rin sa kuwarto kasama ang asawa nito. Dahil sa pamilyar naman ako sa loob ng bahay ay nagkusa na lang akong magsalang ng tubig para painitin. Ang isang bakanteng balde ay nilagyan ko tubig at dala ang basahan ay bumalik ako sa kuwarto.
Ang sakit sa sikmura ng amoy ng suka ng isang manginginum. Eto pa naman ang klase ng amoy na ayaw na ayaw ko. Pakiramdam ko ay bubulwak na rin ang sikmura ko dahil sa baho. Wala akong magawa kundi tiisin ang ewan na amoy at pilit kong nilampaso ang sahig hanggang sa maalis lahat ang bakas ng suka. Buti na lang at nakabaling si Ken sa kabilang parte ng higaan at kung nagkataon ay baka pareho kaming naligo sa sarili niyang suka. Hay buhay.
Dahil sa nadamay ang damit niya sa suka ay nagkusa na akong hubarin ito at nilabhan sa dis-oras ng gabi. Hindi ko naisip na titigan ulit sya habang natutulog at habang walang damit na pang-itaas. Ang tanging iniisip ko ay mawala ang amoy ng suka sa kuwarto at para makatulog ulit.
Pagbalik ko sa kusina ay kumukulo na ang tubig. Agad kong isinalin ito sa isang palanggana at dinagdagan ng tubig galing sa gripo upang maging maligamgam. Eto ang timpla ng tubig na gagamitin ko para punasan si Ken.
Pagdating ko sa kuwarto ay nakatihaya na si Ken. Mahimbing pa rin ang kanyang pagtulog. Hubad na ang kanyang itaas na parte ng katawan at ang tanging naiwan ay ang kanyang jersey shorts. Sa pagkakataong ito ay muling nabuhay ang paghanga ko sa kanya.
Pag nakadamit si Ken ay hindi mo halata ang tikas ng kanyang dibdib. Hindi naman talaga kabilugan ang kanyang mga muscle sa braso at hindi mo rin malalaman na malaman at may itinatago ito sa loob ng kanyang damit. Ngayong hubad na ang kanyang katawan ay doon ko lang napansin ang maumbok na porma ng kanyang dibdib. Meron na itong korte pero hindi naman kalakihan. Pantay na rin ang kanyang tiyan pero wala pa itong matinong abs na matatawag. Pero sapat na aking nakita para mabuhay ang aking imahinasyon.
Naputol lang aking malikot na pag-iisip ng biglang dumilat si Ken. Patay. Nahuli niya akong titig na titig sa kanyang hubad na katawan. Ngumiti lang siya sa akin at tumagilid na ulit para matulog.
Ibinaba ko ang palanggana sa sahig at umupo sa tabi ni Ken. Pinatihaya ko ulit siya saka ko pinunasan ang kanyang mukha ng maligamgam na tubig gamit ang isang bimpo. Sa pagsayad ng maligamgam na tubig sa kanyang mukha ay umungol siya pero hindi naman tumutol. Pilit kong nilinis ang kanyang mukha para mawala ang bahid ng suka dito.
Pagkatapos ng kanyang mukha ay sinunod ko ang dalawa niyang braso't kamay. Para siyang isang lantang gulay at nagpapaubaya sa aking ginagawa. Natuwa naman ako at hindi ako nahirapan. At ang pinakahuli kong pinunasan ay ang kanyang katawan. Nakailang ulit kong pinunasan lalo na ang kanyang leeg at dibdib dahil sa ang mga iyon ang siyang nababad sa suka. Pagkatapos ko syang malinis ay nagpunas na rin ako at bumalik sa higaan.
Hindi pa man nag-init ang aking likuran sa higaan ay bumaling sa akin si Ken sabay akap at dantay. Para akong biglang naging tuod sa kanyang ginawa. Mas lalo akong nagulat ng ipagsiksikan niya ang kanyang mukha sa aking tagiliran na animo'y isang bata. Sa puwestong iyon ay amoy na amoy ko ang baho ng suka sa kanyang hininga. Agad akong bumalikwas ng higa at pagbalik ko ay dala ko ulit ang isang palanggana at isang baso na may maligamgam na tubig na binudburan ko ng asin.
Pagkabalik ko ng kuwarto ay pinilit kong gisingin si Ken at pinamumog ng dala kong tubig. Kahit na hindi sya dumidilat ay agad din siyang tumalima. Nakailang mumog din siya bago ko pinahiga ulit.
Pagkahiga ko ay agad na dumikit ito sa akin. Kahit na pikit ang kanyang mga mata ay gising ito. Di ko alam kung talagang pikit nga talaga o nakamulat ng kaunti. Basta ang maliwanag sa akin ay dumikit na naman siya sabay dantay ng matipuno niyang hita sa akin at sabay patong ng kamay niya sa aking katawan. Pabulong siyang nagpasalamat sa ginawa ko sa kanya. Nahihiya daw siya sa akin at nagkalat siya ng wala sa oras. At walang kaabog-abog na inilapit niya ang kanyang mukha sa tapat ng mukha ko, pareho kaming nakiramdam sa isa't isa, pareho kaming halos nagpipigil ng hininga, at pagkatapos ng ilang sandali ay lumapat ang kanyang labi sa gilid ng labi ko. Hindi ko matantya kung gaano katagal iyon subalit para akong dinuduyan sa alapaap at unti-unting tumigas ang aking pagkalalake. Alam kong naramdaman ng hita ni Ken ang pagkabuhay ng aking pagkalalake subalit yumakap pa lalo siya ng mahigpit sa akin. Pinakiramdaman ko siya at tantiya ko ay natulog siyang muli.
Tumagilid akong humarap sa kanya pero hindi pa rin siya bumitaw sa kanyang yakap at dantay sa akin. Dahil sa kanyang ginawa kanina ay nagkaroon ako ng lakas ng loob para mahawakan at madama ang kanyang mukha. Pinasadahan ko ng himas ang kanyang natutulog at maamong mukha. Hindi ko alam kung pagnanasa o pagkagusto ang nararamdaman ko sa kanya ng mga sandaling iyon. Kung pagsamantalahan ko siya ng mga sandaling iyon ay marahil magpapaubaya din siya. Naglalaro ang isipan ko ng iba't ibang mga posibleng mangyayari hanggang sa hindi ko namalayan na nakatulog na rin pala ako.
Nagising na lang ako kinabukasan ng maulinigan ko na merong nag-uusap sa loob ng kuwarto. Ng dumilat ako ay nagkukuwentuhan nga si Jon at si Ken. Pupungas-pungas pa akong umupo at kaagad namang binati ako ng dalawa. Maya't-maya pa'y nagpaalam muna si Jon at lumabas. Tumabi sa akin si Ken sa pagkasandal ko sa dingding.
Kahit na wala na siyang amats ay buo pa rin ang alaala niya sa nangyari kagabi. Nagpasalamat ulit siya sa pag-asikaso at pag-alaga ko sa kanya kagabi. Hawak ng isang kamay niya ang aking kamay habang panay ang kuwento niya. Nagulat na lang ako ng bigla niya akong tinulak pabalik sa higaan. Daldal daw siya ng daldal tapos natutulog lang daw ako. Laki ng tawa ko sa pagkabigla. Oo nga. Halos hindi ko na maintindihan ang sinasabi niya dahil naiidlip na naman ako.
Ng makapag-ayos na kami ng higaan ay lumabas na kami para mag-almusal. Tirik na ang araw ng magpaalam na ako para umuwi at sumabay na rin si Ken sa akin. Nanghiram na lang siya ng damit kay Jon dahil sa basa pa rin ang shirt niya. Inakbayan niya ako habang binabagtas namin ang kahabaan ng eskinita hanggang marating namin ang sakayan ng jeep sa kanto. Ang daldal niya habang naglalakad kami at dahil sa nangyari kagabi ay masasabi kong naging palagay ang loob niya sa akin.
Sa ngayon ay napalapit na rin ako sa kaniyang pamilya. Kasama na rin ako sa iniimbitahan niya tuwing may okasyon sa kanila. Sobrang saya ko sa pribilihiyo na binigay niya sa akin. Hanggang ngayon ay may gusto pa rin ako sa kanya at hindi naging lingid kay Ken ang aking damdamin. Kung itatanong ninyo kung merong nangyari na sa aming dalawa, ibabahagi ko na lang ito sa susunod na kwento baka sakali.
-end-
-end-
No comments:
Post a Comment