Monday, April 7, 2014

Henry

Naglalakad ako sa kahabaan ng Ortigas center patungong Rob.  Mainit ang sikat ng araw dahil tanghaling tapat.  Konsolasyon na lang ang pag-ihip ng malakas na hangin pati na rin ang mga lilim ng mga nagtataasang gusali.  Hindi ko na mahintay ang pagdama nang malamig na buga ng aircon mula sa mall.

Sa pagbaybay ko ng bangketa ay may napansin akong sasakyang mabagal ang takbo at sinasabayan ang paglakad ko.  Loko to a, kinakabahan tuloy ako. Nang hindi na ako nakatiis ay huminto ako at gusto kong malaman kung ano ba ang sadya niya.  Maya't-maya pa'y bumukas ang salamin sa tagiliran at sumilip ang nagmamaneho nito.  Pamilyar ang mukha at nakangiti sa akin.

"Nathan, sakay na."  Ang pag-imbita niya sa akin.

Tragis, si Henry pala.  Haha.  Ayun at nawala na rin ang kaba ko.  Sumakay ako sa front seat at hindi rin mapigilang ngumiti.  

"Saan ang punta mo?"  Ang loko, pogi pa rin at lalong pumogi sa porma niya.  Naka-corporate attire at maangas ang shades.

"Dyan lang sa Rob, papalamig." Ang tugon ko.  "Musta na?"

"E di sabay na tayo."  Hindi pa rin mawala-wala ang ngiti niya.

Pagkatapos maipark ang kotse niya ay niyaya niya ako na kumain sa isang restaurant.  Ang loko, ginawa akong batang karay-karay niya.  Hawak niya ang kamay ko habang binabagtas namin ang parking lot.

"Para namang mawawala ako at hawak kamay pa tayo. Haha." Ang puna ko sa kanya.

"Haha.  Oo nga ano?" Natawa na rin siya. "Pasensya na at excited lang ako.  Bigla kitang na-miss."

Pagkasabi niyang iyon ay binitawan niya ang kamay ko at inakbayan na lang niya ako papasok ng mall.

-o-

Transferee ako sa isang college sa Manila.  Nagkaroon lang nang problema sa pera kaya't muntik na akong hindi makapagpatuloy nang pag-aaral.  Buti na lang at may kababaan ang college na nilipatan ko kaya't nairaos ang pag-aaral ko.

Dahil nga sa tahimik lang ako at hindi naman palakaibigan, loner ako at pumapasok sa klase na puro estranghero ang mga kasama.  Malaking adjustment ang pinagdaanan ko nang lumipat ako ng skul.  

Sa isang major subject kung saan ay pinayagan akong mag-enrol ng advance, first quiz pa lang namin ay napahiya talaga ako.  Ako lang ang bukod tanging nakakuha ng bottom score.  Haha.  Bad trip talaga.  Imagine 3/100 ang score ko sa isang electronics subject.  First time kong makakuha ng ganoong score.  Hanggang ngayon nga, sa sobrang memorable ng papel na iyon ay naitabi ko pa.  Haha.

Anyway, nabadtrip talaga ako sa score kong iyon.  Tapos meron akong kaklaseng intrimitido pa.  Dahil sa ako ang huling tinawag, pagdaan ko sa tapat niya ay bigla niyang hinablot ang papel ko.  Pagkakita ng score ko ay lakas ng tawa niya na nang-aasar.  Grrr.  Kung di lang ako nakapagpigil malamang ay umbag ang inabot niya sa akin.  Sa ginawa niyang iyon ay lalo akong napahiya at sa buong klase pa.

Pilit kong inaral ang subject na iyon.  Tragis, ang dami palang prerequisites noon at ang coverage ng unang quiz namin ay wala talaga akong kaalam-alam.  Haha.  Suntok sa buwan ang sagot ko at muntik pa akong ma-zero.  At evaluation quiz pa lang iyon tungkol sa pinag-aralan sa mga previous subjects.  Patay, double time ako nito.  Sabi ko, next time, hindi na dapat ako makakuha ng mababang score.

Pagdating ng second quiz ay huli na naman akong tinawag.  Medyo kabado ako kasi mukhang trending na naman ang sitwasyon.  Wag naman sanang bagsak ulit ang score ko.

"Pustahan tayo, ikaw na naman ang may lowest score. Haha." Pang-aasar ulit ng kaklase kong sobrang epal sabay hablot ng test paper ko.  

"Class, only one of you passed the test.  How frustrating.  Exert more effort if you don't want to repeat this subject." Ang sabi ng prof namin na iiling-iling at dinismiss na ang klase.

"Putang ina, ikaw lang ang pumasa?" Ang bulalas ulit ng epal kong kaklase.  "Ang lakas mo namang makatsamba!"

Binawi ko ang papel ko sa kanya.  Sa loob-loob ko, neknek mo. At napangiti na lang ako.

Simula noon hanggang matapos ang prelims ay palaging nangunguna ako sa klase.  Nagsimulang dumikit ang epal kong classmate sa akin subalit hindi ko pinapansin.  Kaya kong pumasa na hindi mangongopya.  Pati na rin sa ibang subjects ay nakayanan kong itawid ang mga scores ko.

One time, napadaan ako sa tapat ng library.  Wala naman akong balak mag library kasi di naman ako nagbababad doon para mag-aral.  Nakasalubong ko ang isang pamilyar na mukha.  Malayo pa lang ay medyo nakangiti na siya.  Nang malapit na ako sa kanya ay napakamot ulo pa siyang bumati sa akin.

"Hi, classmate."  Ang bungad niya.  "Ako nga pala si Henry at magkaklase tayo sa electronics subjects kay prof. D."

"Ah, oo nga.  Kaya pala pamilyar ang mukha mo." Tugon ko sa kanya.  Isa si Henry sa mga tahimik naming kaklase at wala din atang masyadong mga kaibigan.

"Ano e.” Mukhang nahihiya pa siyang magsabi sabay kamot ng kanyang batok.    Hindi rin siya makatingin nang diretso at medyo nakayuko.  “Manghihingi sana ako ng favor kung pwede?”

Kahit na napakunot-noo ako sa ginawi niya ay hindi ko rin maiwasan na ngumiti dahil sa mga actions niya.  Para kasi siyang bata na takot mapagalitan o di kaya’y may ginawang hindi maganda.

“Sige okay lang basta kakayanin ko.”  Ang tugon ko sa kanya.  Ngayon ko lang siya napagmasdan nang malapitan.  Baby face at makinis ang mukha,  singkit ang mga mata na tipong Japanese o Chinese, bagsak ang maitim na buhok na ang bangs ay pumapaling sa kaliwa o kanan pag gumagalaw ang ulo niya, at simple pero malinis ang porma.

“Nahirapan kasi ako sa subject natin sa electronics at ayoko mag take two.  Tiyak papagalitan ako ni mama.  Pwede bang magpaturo sa iyo?”  Pasulyap-sulyap lang siya sa akin habang mahigpit na nakahawak ang dalawang kamay niya sa magkabilang gilid na tali ng kanyang back pack.

“Sigurado ka sa akin?” Haha.  Sinisiguro ko lang na sa akin talaga siya magpapaturo.  “Di naman ako magaling doon a.”

“Ikaw lang kasi ang nagto-top lagi sa klase at tahimik ka din.  Iyong iba kasi medyo malakas ang dating kaya ikaw na lang ang nilapitan ko.  Ireg na kasi ako at ayoko pa mahuli pang lalo.  Baka pwede mo akong alalayan.”  Nang makita ko ang mukha niya, parang dinurog ang puso ko.  Iyon bang tipo na medyo nangingilid na ang luha tapos parang desperado na.

“Sige, okay lang.  Ayusin na lang natin ang sked nating pareho.” Ayun at bumigay din ako. Haha.

Sa sagot kong iyon ay biglang umaliwalas ang mukha niya.  Ngumiti siya at talaga namang di hamak na mas gwapo siya pag ngumingiti.  Sa pagkaalaala ko kasi ay tahimik lang siya at hindi ko pa siya nakitang ngumiti man lang ngayon lang.  Nangiti na rin ako sabay nakipagkamay sa kanya.

Para di kami maistorbo at madali ang interaction namin, kadalasan ay naghahanap kami ng vacant rooms para doon mag session.  Medyo mahina nga siya at kailangang ilang beses ulitin ang mga topics bago niya makuha.  Nagsimula kami sa umpisa ng lesson hanggang sa kasalukuyan naming topic.  Palagi ko siyang binibigyan ng exercises pati na take home activities para na rin madali siyang maging familiar at wala akong narinig na reklamo sa kanya.  Dahil sa kanya, naging maparaan ako para mapadali ang pagturo ko sa kanya ng lessons namin.

Malamang sa halos na araw-araw naming pagkikita at pagtuturo ko sa kanya ay hindi namin napansin na napalapit na ang loob namin sa isa’t isa.  Sa panahong iyon ay nagkagaan na kami ng loob at para bang sobrang tagal na naming magkakilala.  Madalas ay magkakasama kami at nag-aantayan pa tuwing lunch break.  Ang consolation ko ay madalas niya akong ilibre ng lunch at merienda.  Dahil sa siya na rin ang nagpumilit na gawin iyon bilang kapalit ng pagtuturo ko sa kanya ay hindi na ako tumutol.  At unti-unti namang nagbunga ang paghihirap ko sa kanya.  Kahit na hindi kami magkatabi ng upuan at hindi naman siya nangongopya ay nagawa naman niyang ipasa ang quizzes namin pati na ang sumunod na major exam namin.  At hindi pa doon natapos ang pag-aasist ko sa kanya.  Na extend pa iyon sa math subjects namin.

Sa tuwing nakakapasa siya sa subjects namin ay palaging abot tenga ang kanyang ngiti at hindi niya itinatago ang kanyang kagalakan.  Laging pasasalamat ang kanyang sambit kasabay nang isang mahigpit na yakap ang binibigay niya sa akin pag maganda ang kanyang performance. 

“Sana maaga kitang nakilala para di ko maranasan ang bumagsak.” Sambit niya habang nagmemerienda kami ng burger na buy one take one sa kanto na katapat ng skul.

“E di kung hindi ka bumagsak hindi tayo magkakilala niyan. Hehe.”  Hirit ko naman. 

“Pwede bang magkaklase ulit tayo next sem para naman may aalalay ulit sa akin?” Seryoso na naman ang mukha ng kaklase kong galante.

“Bakit, magkakapilay ka ba next sem?”  Haha. Unting patawa lang baka magkaiyakan pa kami.

“Alam mo, para kang ewan. Haha.” At tumawa na siya na gustong-gusto ko namang tingnan dahil nawawala ang kanyang mga mata.

Dumating ang time na dinadala na niya ako sa kanila at nakilala ko na rin ang mama niya.  Sobrang laki ng pasasalamat ng mama niya dahil sa tulong na ginawa ko kay Henry.  Napag-alaman ko na nag-iisang anak lang pala siya at hiwalay ang kanyang mga magulang.  Ang papa niya ay may iba ng pamilya at ang mama na niya ang kasama niya mula pagkabata.  Medyo angat sila sa buhay at mataas ang posisyon ng mama niya sa isang company.  Pero kahit na sabihin nating maganda ang estado nila sa buhay ay nakitaan ko naman nang pagiging simple lang ni Henry.  Kahit na makita mong medyo marangya siya kumilos ay hindi naman niya ito ipinangalandakan.  At higit sa lahat, mabait siya at madaling pakitunguhan.

Ang bonding namin sa skul ay na-eextend kahit na wala kaming pasok.  Sinusundo niya ako sa bahay at ipinapaalam ako sa amin at madalas ay tambay lang kami sa kanila.  Palibhasa ay maganda naman ang performance niya sa skul ay wala namang pagtutol ang mama niya.  At least daw kilala niya kung sino ang kasama ng anak niya at hindi naman ako bad influence.

Sa madalas naming pagsasamang dalawa ay hindi namin namalayan na iba na ang itinatakbo n gaming relasyon.  Sa skul at sa labas, para lang kaming ewan kung magkulitan pero kadalasan ay tipikal na magkabarkada lang ang gawi namin.  Pero pagdating sa kanilang bahay kung saan ay madalas na kaming dalawa lang ang magkasama, nadevelop na ang extra closeness namin.  Naroong komportableng mahihiga si Henry sa hita ko at maglalabing.  Kahit na maluwang ang sofa nila ay magkadikit kaming naupo.  Naging normal na gawi namin ang pasimpleng pagyakap pati na ang paghawak kamay.  At sa isang hindi inaasahang pangyayari, nahantong ito sa pakikipagtalik.

Pagkatapos na mangyari sa amin iyon ay walang naglakas loob sa amin na banggitin ang bagay na iyon.  Pakiramdaman lang kami.  Ilang araw lang ang lumipas buhat na mangyari iyon ay back to normal na naman ang samahan namin.  Hanggang sa maulit na naman iyon ng kung ilang beses pa.  Wala kaming pinag-usapan na set-up o kung ano pa man, basta ginagawa na lang namin iyon.

“May relasyon ba kayong dalawa?” Ang usisa ng mama niya isang araw na andoon ako sa kanila.  Ito na marahil ang isang bombang pasabog na gumulantang sa aming dalawa ni Henry.

“Wala po.”  Ang sagot ni Henry.  Umiiling din ako pero nakayuko lang.  Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo ko sa ulo at pulang-pula ang mukha ko.  Kulang na lang ay tumakbo ako palabas ng kanilang bahay.

“Napapansin ko lang kasi na kakaiba na ang ginagawi ninyong dalawa.  Siguro sa ating tatlo, nasa tamang posisyon ako na sawayin kayo oras na hindi na tama ang ginagawa ninyo.”  Ang makahulugang sambit ng mama ni Henry.

“Sorry po.” Ang tanging nasabi ko.

Lumapit si Henry sa mama niya at yumakap.  Nakita kong nagpahid siya ng mata habang nakayakap sa mama niya.  Sinenyasan ako ng mama niya na lumapit sa kanila at pati ako ay niyakap niya.  At malayang tumulo ang mga luha namin.

Nang mahimasmasan na kaming pareho ni Henry ay masinsinang kinausap kami ng mama niya.  Panay pahid ng luha at singhot lang ang tanging maririnig sa aming dalawa.

“Alam mo Nathan, parang anak na rin ang turing ko sa iyo.  Bukas lagi ang tahanang ito para sa iyo.  Gusto ko na makita kayo balang araw na may kanya-kanyang masasayang pamilya at pangarap ko na magkaroon ng apo.  Sana ay huwag niyo akong biguin.”  Ang alo niya sa amin.

Isang malaking awakening ang nangyari ng araw na iyon.  Hudyat para magising kaming dalawa ni Henry.  Napagkasunduan naming dalawa na pupunta na lang ako sa kanilang bahay pag andoon ang mama niya at pag may okasyon.  Sa ganoong paraan ay mabawasan ang paglalambing namin sa isa’t isa.  Tuloy pa rin kung anong samahan namin sa skul.  Naging ganoon ang kalakaran ng samahan namin hanggang sa makatapos kami.  Actually, naunang nag graduate si Henry ng isang taon sa akin.

-o-

Sa loob ng restaurant ay siya na ang umorder nang kakainin namin.  Alam naman niya kasi kung ano ang tipo kong pagkain.  Ang saya ko at muli kaming nagkita.  Hindi rin maitago ang ngiti sa mukha ni Henry at hindi matapos-tapos ang kumustahan namin pati na ang mga kwentuhan.  As usual, siya na ang nagbayad ng kinain namin.

Pagbalik sa sasakyan ay hindi muna niya pinaandar ang kotse.  Para siyang nag-iisip kung ano ang sasabihin.

“Na miss kita.” Diretso lang ang tingin niya. 

Pagkasabi niyang iyon ay kusang naghawak ang aming mga kamay.  Nang tumingin siya sa akin ay nakita niyang tumutulo na ang luha ko.  At muling naglapat ang aming mga labi.  

-end-

2 comments:

  1. Ahh bitin, but this is one beautiful story. I wonder whatever happened to the two of you? : )

    ReplyDelete
  2. Ang sabi nga, maganda daw ang story kapag bitin dahil binibigyan nito nang pagkakataon ang reader na mag-isip ng iba't ibang posilibidad na pwedeng mangyari.

    Salamat sa comment.

    ReplyDelete