Paano ba ang magmahal? Kailan mo masasabi na mahal mo na ang isang tao? Sino nga ba ang dapat pag-ukulan nang pagmamahal? Magiging tama ba ang lahat kapag nagmamahalan na ang dalawang puso?
Tawagin na lang natin siyang MC. Going 20 years old na siya nang makilala ko sa isang chat room. Actually, isang sakay lang ng jeep ang layo namin sa isa't isa. Isa si MC sa mga naging kakulitan ko sa chat.
Marahil ay nakatagpo ako ng isang mundo na kung saan ay accepted ang lahat. Depende na lang kung papaano ka makibagay, pero dito ay walang pilitan. Hanap ka lang ng mga taong pwedeng sumabay sa trip mo at buo na ang araw mo. Gusto ko lang kasing makalimot at maging masaya. Naghahanap ako nang pwedeng gumamot sa sawi at nagdurusang puso ko pero wala sa intensyon ko na maghanap ng isang mamahaling tao. Pumasok lang ako sa mundong iyon para makalimot. Para itong alcohol na nakakaadik. Na kahit panandalian lang ang dulot nitong saya ay sapat na para humaba ang buhay ko at palaging aabangan ang muling pagtatagpo ng mga bagong kakilala sa mundong aming kinabibilangan.
Nakatagpo ako ng kakulitan kay MC. Pareho ang trip namin at kung magbasagan ay wagas. Madami ang napipikon sa amin kasi magaling kaming sumakay sa isa't isa kapag trip naming mang-asar. Ang nakakatuwa ay hindi naman kami nag-uusap para mambasag ng trip ng ibang tao sa room. Kusa na lang naming sinasakyan kung ano man ang takbo ng usapan tapos kami ang magkakampi hanggang magkapikunan na. Haha.
Pag sobrang nag-eenjoy ka pala sa ginagawa mo ay hindi mo napapansin ang paglipas ng panahon pati na ang samahang unti-unting nabubuo. Ilang buwan din kaming magkasangga ni MC sa chatroom pero wala kaming personal na ugnayan. Hmmmm. Na-mi-miss ko siya pag wala sa room at marami din siyang tanong sa akin pag ako naman ang absent. Hehe.
May mga bagay-bagay na hindi natin hawak ang mga posibleng mangyayari. May mga pagkakataong hindi umaayon sa atin ang kapalaran. Minsan may mga kagustuhan tayong hindi nasusunod. At may mga hindi inaasahang pangyayari na pwedeng magbago nang ikot ng ating mundo.
Pagkalipas ng mahabang panahong pagbababad namin ni MC sa chatroom ay nag level-up ang aming samahan. Nag-uusap na rin kami sa telepono. Halos gabi-gabi kaming babad sa chatroom at puro kulitan at asaran ang gawain namin. Sa telepono ay madalang, halos once a week lang. Pero di katulad sa chat na puro kulitan at asaran, mas personal ang nagiging usapan namin. Sumagi man sa pag-uusap namin ang estado ng aming kanya-kanyang relationship status pero mas madalas na napagkukwentuhan namin ang halos nangyari sa bawat isa sa amin sa mga nakalipas na araw. Hindi pumasok sa usapan namin kung ano ang hitsura ng isa't isa, kung ano ang hinahanap na mga katangian ng isang partner, o maging ang paghahanap ng taong mamahalin. Buo na ang gabi o araw namin pag nagkwentuhan lang kami. At madalas gusto niyang ako ang nagkukwento sa kanya at nakikinig lang siya.
Sa hindi mabilang na pagbababad namin sa chat at telepono, sa mga kulitan at asaran namin na walang pikunan, sa mga kwentuhan namin na ang iba ay walang katuturan, unti-unting lumalim ang ugnayan namin. Nakakapagtaka nga na kahit nagkikita kami sa chatroom at nag-uusap sa telepono, hindi namin hiningi ang celphone number ng isa't isa. Weird pero siguro may tamang dahilan. At nang dumating ang tamang oras na magkita kami pagkatapos ng mahabang panahon na blangko ang mukha namin sa isa't isa ay doon lang namin nai-share ang celnum namin.
Excited at kabado pero walang too much expectations. Excited dahil pagkalipas ng mahabang panahon ay makikita ko na rin ang kakulitan ko. Kabado dahil hindi ko alam kung magiging makulit pa rin ba kami ngayong peronal na kaming magkakaharap. Less expectation dahil simpleng meet up at tambay lang ang usapan namin. Sana lang pagkatapos nang pagkikita namin ay manatili pa rin kami kung saan kami nagsimula.
Nauna akong dumating sa tagpuan namin sa harap ng isang convenience store na malapit sa amin. Nakapambahay lang ako, sando, shorts, at tsinelas. Bitbit ang cel ay tambay mode sa sementong upuang bakod sa tabi ng convenience store. Nag-aantay na dumating ang kausap pagkatapos maitext ang description ng sarili pati na ang suot. May dumating at umupo sa sementong upuang bakod pero medyo may distansiya kaunti sa akin. Mestisong tsinito halos kasing tangkad ko pero mukhang totoy ang hitsura. Pormang teenager ang dating at halatang gigimik pa lang. Panay ang text at nangingiti paminsan-minsan. May tumawag sa cel niya at nang sinagot niya ay napailing at natawa na lang ako. Ang mokong pinagtripan ako. Ang daya kasi ng isang ito at hindi tinext sa akin kung ano ang hitsura niya basta ang text niya ay hintayin ko daw siya at darating siya.
"Kanina ka pa?" Lakas nang tawa ng loko nang makipagkamay sa akin pagkatapos niyang makipag-usap sa cel.
Titig na titig ako sa kanya at natatawang ewan. Consistent sa pagiging makulit ang isang ito.
"Alam kong gwapo ako kaya nga di ko sinasabi sa iyo at baka magkagusto ka sa akin. Pero wag mo kong titigan nang ganyan at nakoconcious ako. Hehe." Sinuntok niya nang mahina ang braso ko.
"Ang galing mo. Ang lakas mong maka-wow mali. Hehe." At sumama na siya sa akin sa bahay.
Wala talaga akong ideya kung ano ang hitsura ni MC. Hindi ko naman kasi ugaling manghingi ng picture sa mga ka-chat ko. Ang trip ko lang sa room ay makipagkulitan at makipag-asaran. Ako din kasi ay hindi nagpopost ng pic kasi hindi ako komportable sa ganong kalakaran. Ang katwiran ko kasi ay hindi basehan ang hitsura pag nakikipagkaibigan ka. Pag ang hanap mo ay relasyon, siguro malaking factor ang hitsura ng isang tao.
First time pa lang naming magkita ni MC. Nang makita ko siya kanina ay talagang laglag ang panga ko sa hitsura niya. FilAmJap ang lahi niya at meron daw siyang dual citizenship, Filipino at American. Japanese ang tatay niya at FilAm naman ang nanay niya na nakabase sa US. Sa states siya pinanganak pero dito na siya lumaki at nag-aral sa Pinas. Kaya pala may slang siya pag nagsasalita na siya namang pinagtitripan ko kapag nag-uusap kami sa phone. At nang magkita kami ay halos hindi ako makapaniwala na 20 na siya dahil mukha siyang bata para sa edad niya.
"Solo ka lang dito?" Tanong ni MC nang nasa loob na siya ng tinutuluyan kong bahay. Naglabas ako ng mainom dahil mainit ang panahon at para na rin may ice breaker.
"Yup."
"Madami ka nang nadala dito?" Naging mausisa siya.
"Mga kaibigan ko na dumadaan dito. Sa room, isa o dalawa lang pero hanggang tambay at nood lang ng movie."
Nanibago ako bigla sa kaharap ko. Naging seryoso ang tono ng boses. Baka may bi-polar issues ito at baka mahirapan akong pakitunguhan siya.
"Ang gara ng porma mo, may gimik ka ata?" Puna ko sa mapormang dating niya. Para siyang typical na batang gimikero na madalas magtatambay sa mga bar. Kahit na mataas pa ang sikat ng araw nang magkita kami ay ayan na ang get up niya o baka may plano siyang gumimik pagkatapos naming magkita.
"Walang pakialamanan." Parang naasar ang boses niya at tumingin sa akin na halos hindi kumukurap. Aray ko. Napahiya ako sa batang ito.
Tumayo ako upang iligpit ang pinag-inuman namin at para kahit papaano ay makahinga nang maluwag dahil tensionado na ako. Mali ata ang banat ko ngayon at parang hindi siya ung nakachat at nakausap ko sa phone.
"Nathan." Tumayo rin pala siya at lumapit sa akin. Nabigla na lang ako nang bigla siyang yumakap sa akin sabay dantay ng mukha niya sa balikat ko. "Para kang gago alam mo yon. "
Kung nabigla ako sa pagyakap niya ay sobrang nabigla ako sa sinabi niya. Muli, wala sa hinagap ko na mangyayari ang ganitong eksena.
"Namumula kaya ang mukha mo at para kang naiiyak, gago ka." Patuloy siyang yumayakap sa akin at halos pabulong ang salita niya. Ewan ko kung bakit panay ang singhot niya na para bang sinisipon.
"Sorry. Akala ko kasi ay napikon ka." Tinapik-tapik ko ang kanyang likod.
Inalis niya ang pagkadantay ng mukha niya sa balikat ko, pumikit at tumingala sabay hinga ng malalim, at tumulo ang luha niya nang tumingin sa akin. Idinikit niya ang kanyang noo sa aking noo, pati ang ilong namin ay nagkadikit na rin, at halos maglapat na ang aming mga labi. Panay ang singhot niya at hindi niya mapigilan ang patuloy na pag-agos ng kanyang luha.
"Ang manhid mo talaga." Halos hindi ko marinig ang sinabi niya. Sapat na ang nakita at naramdaman ko kung ano ang estado ko sa buhay at puso ni MC.
Bakit ganon? Bakit kapag naghahanap ka ay kadalasang nauuwi lang sa wala? Bakit kung kailan mo kailangan ay parang inabandona ka ng buong mundo? Bakit ngayon kung kailan wala naman sa plano ay biglang may darating?
"Kailan pa ito?" Ang tanong ko kay MC nang humupa na ang tension sa aming dalawa. Pareho kaming nakahiga nang hubad sa loob ng silid ko. Nakahiga siya sa braso ko at nilalaro ko ang buhok niya. Nakayakap at nakadantay naman siya sa akin.
"Di ko alam, e. Na challenge kasi ako sa yo kasi ang galing mong mang-asar at mangulit sa room. Di ba sabi ko sa yo, miss kita pag di ka nag-online. Totoo yon." Parang bata siyang nangungumpisal.
"Totoo yon?" Ginaya ko ang salita niyang may slang. Haha. Tinampal niya nang malakas ang tagiliran ko.
"Pag nag-uusap tayo sa phone di ba gustong-gusto ko nagkukuwento ka lagi. Di ko alam kung totoo ang lahat ng mga iyon pero isa lang naman ang gusto ko. Gusto ko lang marinig ang boses mo tapos nagjajakol ako habang kausap ka. Hehe." Haha. Ang libog talaga. Kaya pala di halos nagsasalita kasi iba ang ginagawa pag kausap ako. Ako naman si tanga ay walang kaalam-alam.
"Buti nagkagusto ka sa akin kahit pangit ako." Hinalikan ko siya sa labi. Madiin. Matagal.
"Ang sabihin mo ay sobrang manhid ka. Kahit di pa kita nakikita ay matagal na akong may gusto sa iyo. Kahit na anong paramdam ko sa iyo ay balewala lang sa iyo kaya nga mas lalo kitang minahal." Ngiting-ngiti ang loko habang nakapatong ang katawan sa dibdib ko at nakipagtitigan sa akin nang malapitan.
Ang panahon nga naman ay sadyang mahiwaga. Mayroon itong sariling timetable at madalas ay nagugulantang na lang tayo kung ano ang ilalaan nito. Kadalasan ay hindi nasusunod ang ating sariling kagustuhan at malamang ay hindi ito naaayon sa itinakda ng panahon. Sabi nga ay may tamang panahon daw para sa lahat at kasama na doon ang pag-ibig at kamatayan.
Biglang nagbago ang takbo ng buhay ko simula nang dumating si MC. Mas tumingkad ito at nagkaroon ako ng ibayong sigla. Ang sarap mangarap kasama niya. Hindi kami nagkaroon ng away simula ng maging kami.
Tuloy lang kami sa aming nakagawiang chat. Walang nagbago doon. Ang schedule ng usap namin sa phone ay wala ring problema. Hindi kami ang tipo na ang bawat kibot ay tinetext sa isa't isa. Actually, isa o dalawang text lang kami sa isang araw. Walang nakakaalam sa ugnayan namin at maige na iyon para walang pressure. Parang ordinaryong magkaibigan ang samahan namin at wala kaming restrictions sa isa't isa. Tiwala at pagmamahal lang ang siya naming pinanghahawakan sa relasyon namin.
Two years na going strong ang relationship namin. Bibihira lang kami lumabas para gumimik. Kadalasan ay sa bahay lang kami nagkukulong at sobrang daming special memories na ang pinagsaluhan namin. Ewan ko kung bakit naging swak ang personality namin sa isa't isa. Hindi pa rin kami makapaniwala na meron kaming something special na made in heaven.
Pero time and again, some good things do not last forever. Dumating na ang sandali na kailangan na naming maghiwalay. Actually, matagal na naming pinag-usapan ang posibilidad na ito. Hindi ko pwedeng diktahan si MC sa kanyang magiging desisyon dahil buhay at kinabukasan niya at ng kanyang pamilya ang nakasalalay dito. Hindi ako pwedeng maging makasarili kahit na alam niyang abot-langit ang pagmamahal ko sa kanya. Sinikap niyang manindigan para sa sarili dahil nasa tamang edad na siya at kaya na niyang tumayo sa sariling mga paa niya. Subalit kapag kapakanan na ng pamilya ang nasasangkot, bato na lang ang puso mo kung hindi ka matitinag.
Dalawang araw kaming nagkulong sa bahay. Pilit naming pinagsaluhan ang bawat segundong dumadaan at halos pigilan namin ang pag-ikot ng orasan. Hindi maubos-ubos ang mga luha namin sa tuwing naiisip namin na magkakahiwalay na kami. Hindi namin pinag-usapan kung ano ang mangyayari sa aming relasyon. Ang bawat segundong lumilipas ay parang hiwa ng blade sa puso namin. Sobrang sakit. Sobrang sakit na pareho kaming helpless sa isang sitwasyon na hindi namin parehong ginusto.
At sa huling pagkakataon, bago tuluyang mamaalam si MC para umalis papuntang states at magtrabaho doon, ay muli naming pinagsaluhan ang isang buong magdamag na habambuhay naming maging alaala. Kung meron mang happy ending pagkatapos nito ay hindi namin alam.
"Kaya mo ba akong hintayin?" Mahigpit ang yakap ni MC at pilit niyang kinokontrol ang paghagulhol. Parang pinipiga ang puso ko sa pagsusumamo niya.
"Bumalik ka pag sa tingin mo ay tamang panahon na. Kahit anong mangyari, sa iyo lang itong puso ko." Iyon na ang huling yakap at halik ko sa kanya.
Ngayon ay patuloy pa rin ang komunikasyon namin, nagkukulitan at nag-aasaran. Sa pagdaan ng panahon ay mahirap isipin kung kami pa rin hanggang sa huli. Patuloy naming ipinagdadasal na kung sadyang ilalaan kami sa isa't isa ay patuloy kaming patatagin ng panahon pati na ang relasyon namin.
Bakit kahit na sumisikat ang araw ay umuulan pa rin. Bakit ang bahaghari ay lumilitaw kasabay sa sikat ng araw at pagbuhos ng ulan? Bakit mayroong putol na bahaghari? Ang kaputol ba nito ay nandoon sa kabilang ibayo para bantayan ang nagmamay-ari ng kalahati ng puso ko?
-end-
No comments:
Post a Comment